Mga nakatenggang pabahay ng gobyerno, ipinabibigay sa mga nawalan ng tahanan dahil sa kalamidad

Isinulong ni Senator Risa Hontiveros na ibigay sa mga nawalan ng tahanan dahil sa mga nagdaang bagyo at malawakang pagbaha ang 13,000 housing units ng gobyerno na nakatengga lang.

Diin ni Hontiveros, malaking bagay ang pabahay para makapagsimula muli ang mga labis na sinalanta ng nagdaang kalamidad.

Kaugnay nito ay pinapatiyak ni Hontiveros sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na siguraduhing hindi sakop ng danger zones ang kinakatirikan ng mga government housing units na paglilipatan sa mga inilikas na pamilya.


Giit ni Hontiveros, dapat siguraduhin na ang mga pabahay ng gobyerno ay nasa ligtas na lugar upang hindi malagay sa matinding disgrasya ang mga titira dito.

Ipinunto ito ni Hontiveros makaraang bahain din ang public housing facilities, particular ang Kasiglahan Village at Southville 8B sa Rodriguez, Rizal.

Nabatid na ang naturang mga lugar ay klasipikadong ‘red zones’ o delikadong lugar base sa pag-aaral ng UP Resiliency Institute sa ilalim ng Project NOAH.

Facebook Comments