2nd batch ng magbabalik-probinsya, uuwi sa darating na June 11

Makakabalik na ng kanilang probinsya ang nasa higit 100 indibidwal na nag-avail ng Balik-Probinsya, Bagong Pag Asa (BP2) program.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni National Housing Authority (NHA) General Manager at Balik-Probinsya Executive Director Marcelino Escalada na ang mga ito ay uuwi sa Leyte sa darating na June 11, 2020.

Sinabi ni Escalada na medyo natatagalan ang kanilang pagpapauwi dahil kanilang sinisiguro na ang mga pababalikin sa probinsya ay hindi carrier ng virus.


Pero magkagayunman, sakali aniyang malusutan tulad ng nangyari sa first batch ng BP2 program kung saan dalawa sa mga napauwi ang nagpositibo sa COVID-19, sinabi ni General Manager Escalada na may kakayahan o kapasidad naman ang mga kalahok na probinsya upang sila ay makapagsagawa ng test at mayroon din silang sariling quarantine facilities.

Sa ngayon, umaabot na aniya sa kabuuang 79,000 ang mga nag-apply sa nasabing programa.

Dalawang paraan ayon kay General Manager Escalada upang makapag-enroll sa BP2 program, una ay sa pamamagitan ng online sa balikprobinsya.ph at sa kanilang Facebook page at pangalawa ay mano-manong pag-fill up ng form na maaaring makuha sa barangay o ‘di naman kaya ay sa NHA headquarters.

Facebook Comments