2nd dose ng Sinopharm vaccine na ituturok kay Pangulong Duterte, hindi isasauli

Hindi ibabalik ng pamahalaan ang ikalawang dose ng Sinopharm vaccine na ituturok kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay makaraang sabihin kagabi ng Pangulo sa kanyang “Talk to the People” kagabi na mainam na isauli na lamang ang isang libong doses ng Sinopharm vaccines na donasyon ng China sa Pilipinas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, dahil nabakunahan na kamakailan si Pang. Duterte ng 1st dose ay itatabi na ang ikalawang dose nito ng Sinopharm.


Sinabi pa ng kalihim na para wala na ring issue, ay hihintayin na lamang na mabigyan ng Emergency Use Authorization ng FDA ang Sinopharm bago tuluyang gamitin dito sa bansa.

Nabatid na Compassionate Use Special Permit pa lamang ang mayroon sa ngayon ang Sinopharm na inisyu sa Presidential Security Group Station Hospital.

Ang nagiging problema sa ngayon ay wala pang representative ang Sinopharm sa bansa na syang maglalakad ng lahat ng mga dokumentong kinakailangan para mabigyan ito ng EUA ng FDA.

Facebook Comments