2nd phase ng Toll Interoperability Project, sisimulan ng ipatupad sa Enero

Simula sa Enero ng susunod na taon ay maipapatupad na ang 2nd phase ng Toll Interoperability Project kung saan ang mga sasakyan na mayroong Easy trip RFID ay maari ng dumaan sa mga expressway na saklaw ng Autosweep RFID system.

Inihayag ito ni Toll Regulatory Board (TRB) Public Utilities Regulation Officer Patrick Ojano sa pagtalakay ng House Committee on Transportation sa planong pagpapatupad ng Phase 2 and 3 ng Toll Interoperability Project.

Pero ang Phase 3 ng proyekto na “One RFID Tag, One E-Wallet, One Account” ay hindi pa naisasapinal kung kelan maisasakatuparan.


Paliwanag ni TRB OIC Chief Finance and Administrative Officer Josephine Turbolencia, pangunahing dahilan ng delay ay ang mahabang proses ng RFID testing.

Giit ni House Committee Chairman Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, mahalaga na sa lalong madaling panahon ay maipatupad na ang standard at unified electronic toll collection system sa pamamagitan ng radio frequency identification o RFID sa lahat ng major expressways sa Mega Manila.

Diin ni Acop, malaking tulong ito para mapabilis ang pagbyahe ng mga Pilipino.

Facebook Comments