2nd round ng service contracting program, muling ikakasa

Muling ipatutupad ng pamahalaan ang service contracting program.

Sa press conference sa Malacañang, sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Executive Director Kristina Cassion na susunod nang ipatutupad ang programang ito sa sandaling matapos maipamahagi ang fuel subsidy.

Ani Cassion, bahagi ng tinatawag nilang basket of solutions ang service contracting program upang hindi masyadong maramdaman ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.


Paliwanag nito, palalawakin ang coverage ng programang ito at makakasama na ang lahat ng tsuper ng public utility jeepneys (PUJs) at UV express.

Sa unang yugto kasi nito ay hindi naisali ang lahat ng PUJs at UV express at iba pang modes of transportation dahil limitado ang pondo.

Pero dahil itinaas na ang pondo sa ₱7 bilyon mula sa dating ₱3 bilyon kaya makakasama na ang halos lahat ng pampublikong transportasyon.

Facebook Comments