Sinuspinde na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng Ceres Bus Liner matapos mahulog sa bangin ang isang unit nito sa bayan ng Hamtic, Antique na ikinasawi ng 18 pasahero.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni LTFRB Spokesperson Celine Pialago, 90-days ang ipinataw na suspensyon sa labing dalawang unit ng bus ng Ceres habang gumugulong ang imbestigasyon sa aksidente batay sa kautusan ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III.
Nagpalabas din aniya ang LTFRB ng show cause order sa Ceres Bus Liner upang magpaliwanag sa loob ng 72-oras.
Sinabi ni Pialago na kabilang sa sisilipin sa imbestigasyon ng LTFRB ang roadworthiness ng mga bus unit at pagsasagawa ng drug testing sa mga driver at konduktor ng ceres liner.
Galing ng Iloilo at papuntang Culasi sa Antique ang bus ng mahulog sa bangin sa Barangay Fabrica sa bayan ng Hamtic.
Itinakda naman ng LTFRB ang pagdinig sa nasabing aksidente sa Disyembre 13.