Patay sa pagtama ng magnitude 6.8 na lindol sa Davao Occidental, umakyat na sa siyam

Umakyat na sa siyam ang patay, sa pagtama ng magnitude 6.8 na lindol sa Davao Occidental noong Biyernes ng hapon.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Deputy Spokesperson Mark Timbal, na patuloy ang kanilang validation sa mga nasawi.

Bukod dito, umabot na rin sa 15 ang naitalang sugatan habang wala nang nawawala sa lindol.


Batay sa datos ng OCD, pumalo na sa 2,489 pamilya o 12,800 indibidwal ang naapektuhan ng pagyanig kung saan patuloy ang pagbibigay ng ayuda sa mga ito ng OCD at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nasa 826 na mga bahay na rin ang nasira sa Davao Occidental, Davao Oriental, South Cotabato at Saranggani.

Habang 118 na imprastraktura ang napinsala at 60 na kalsada.

Bagama’t nananatili sa blue alert status ang OCD, sinabi ni Timbal na unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon sa mga probinsya na naapektuhang ng lindol.

Kasabay nito, patuloy ang paalala ni Timbal sa ating mga kababayan na makilahok at seryosohin ang mga isinasagawang earthquake drill ng pamahalaan dahil malaki ang maitutulong nito upang maging handa, alerto at mailigtas ang sarili sa mga ganitong sitwasyon.

Facebook Comments