Inilatag ni Senate Committee on Banks, Financial Institutions at Currencies Chairperson Senator Grace Poe para sa pag-apruba ng plenaryo ang Financial Institutions Strategic Transfer o FIST Act.
Layunin ng FIST Bill na matugunan ang epekto ng COVID-19 pandemic sa mga bangko at iba pang financial institutions na matutulungang magdispatsa sa ‘di nababayarang mga utang sa kanila (bad debts) o non-performing asset.
Tinukoy ni Poe na sa pagtaya ng NEDA, ang panukalang batas na ito ay posibleng magbunga ng ₱1.19 trilyong halaga ng mga non-performing asset kung maibebenta ang mga ito sa management companies na tinatawag na FIST corporations.
Ayon kay Poe, ang halagang ito ay makakatulong sa humigit-kumulang 600,000 micro, small at medium enterprises at magsasalba sa mahigit 3.5 milyong mga trabaho.
Sinabi pa ni Poe na ang panukalang batas ay isang mas mainam na bersiyon ng Special Purpose Vehicle o SPV Act of 2002 na pinagtibay noon bilang tugon sa Asian financial crisis.
Ang mga institusyong sakop ng SPV law ay pinalawak pa ng kasalukuyang panukalang batas para saklawin ang mga lending companies at iba pang ahensya na binigyan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ng karapatang magpautang.