Cauayan City, Isabela- Pormal nang lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ang dalawang pinuno ng kasundaluhan mula sa 95th Infantry Salaknib Battalion sa pangunguna ni LTC LEMUEL A BADUYA (GSC) INF PA at Commanding Officer ng 1st Cavalry Company, 5th Infantry Division, Philippine Army na si CPT ROMEL M CRISTOBAL (CAV) PA.
Ang paglagda sa kasunduan ay bahagi ng programang RAPIDO Troops ng 1st Light Armored Cavalry Troop Mechanized Infantry, Philippine Army na layong maturuan at libreng makapag-aral ang mga kabataan na hirap pag-aralin ng kanilang mga magulang.
Sa ganitong paraan ay minabuti nilang ilapit sa Salaknib Battalion kung saan maraming kabataan na anak ng dating mga rebelde ang nais matutong mag-aral ng leksyon.
Upang higit na mabigyan ng kaalaman, tinukoy ng 95th Infantry Battalion ang tatlong bata na kinilalang sina Naly Almonte, Ema Layugan at Michael Salazar, anak ng mga sumukong NPA kung saan nakitaan ang mga ito ng taglay na talino at sipag sa pag-aaral.
Ayon kay LTC. BADUYA, malaki ang tulong na ito sa mga anak ng pamilyang nabenipisyuhan ng libreng kagamitan at kaunting halaga na gagamitin para sa kanilang pag-aaral hanggang sila ay makapagtapos dahil sa programa ng RAPIDO Troops ng Philippine Army at maging ang 95IB upang maiangat ang antas ng edukasyon sa AGTA Community partikular sa bayan ng San Mariano, Isabela.
Ayon naman sa pinuno ng 1st Light Armored Cavalry Troop Mechanized na si CPT CRISTOBAL, buong puso ang kanyang pasasalamat sa mga magulang gayundin na rin sa 95IB dahil mas naging makulay ang kanilang programa dahil sa unang pagkakataon ang mga anak ng mga katutubo ang kanilang matutulungan.
Samantala, ayon kay Michael Salazar, isa sa tatlong benepisyaryo at anak ng dating NPA na gagawin nito ang lahat ng kanyang makakaya para siya ay makapagtapos at makamit ang pangarap nitong maging isang sundalo upang siya na mismo ang hihimok sa mga kapwa nitong AGTA na suportahan ang mga kasundaluhan.
Patuloy pa rin ang panawagan ng mga kasundaluhan sa mga magulang o miyembro ng armadong grupo na sila ay bumaba na habang may panahon para matamasa nila ang maginhawang buhay kapiling ang kanilang pamilya.