Hindi na makakapasok pa sa Philippine National Police (PNP) ang tatlong police applicants matapos na magsumite ng pekeng RT-PCR test results sa nagpapatuloy na recruitment sa Police Regional Office- Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR).
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, 3 sa 66 na aplikante sa PRO-BAR ang disqualified na at ngayon ay nasampahan na ng kasong kriminal.
54 na iba pang police applicants na mula sa Lanao del Sur ay patuloy na iniimbestigahan habang cleared na ang siyam na aplikante.
Sinabi ni PNP Chief na inamin ng ilang police applicants na hindi sila sumailalim sa swab test at nagbayad lamang ng 500 pesos para makakakuha pekeng RT-PCR result.
Habang ang iba naman ay sumailalim sa swab test pero hindi raw nila alam na peke ang isinumite nilang RT-PCR result kaya sila ay subject ngayon sa imbestigasyon.
Ayon kay Eleazar, magsilbi sanang leksyon sa iba pang aplikante ang insidenteng ito para hindi ma-disqualify at maharap sa imbestigasyon.
Kinakailangan aniyang gawin ang tama at sumunod sa proseso sa pag-a-apply sa PNP.
Sa ngayon, gumagamit ang PNP ng QR code system para sa lahat ng PNP applicants kung saan ibabatay sa qualification ang pagpili sa mga ito at hindi sa palakasan system.