Cauayan City, Isabela- Nagsimula na ngayong araw, Oktubre 10, 2020 ang tatlong (3) araw na pagsasara sa primark palengke sa Lungsod ng Cauayan.
Dakong alas 12:00 kaninang madaling araw nang magsimula ang pagsasara at tigil operasyon sa primark palengke na magtatapos hanggang alas 12:00 ng madaling araw ng Oktubre 11, 2020.
Ito’y matapos makapagtala ng apat (4) na panibagong kaso ng COVID-19 sa nasabing lugar.
Habang nakasailalim sa lockdown ang bahagi ng primark palengke ay magsasagawa ng disinfection at maigting na contact tracing ang City Health Office para sa mga posibleng nakasalamuha ng mga nagpositibo.
Nagpapatuloy naman ang operasyon ng mga katabing establisyimento gaya ng Supermarket, bangko at shopping mall.
Samantala, nagpahayag ng kanilang panghihinayang ang ilan sa mga vendors dahil huli na umano nang sila ay abisuhan na pansamantalang isasara at ipapatigil ang operasyon ng primark palengke.
Ayon sa isang Ginang, namakyaw na aniya ito ng kanyang mga panindang gulay mula pa sa ibang bayan at problema aniya nito ngayon kung paano ito mabebenta.