Boluntaryong isinuko ni Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo ang tatlo sa apat niyang mga armas.
Sabi ni PNP spokesperson Police Chief Superintendent Benigno Durana, kahapon ng umaga ay nagpunta sa Baldo compound sa Tagas, Daraga, Albay ang mga tauhan ng Daraga Municipal Police Station at PNP Firearms Explosive Office para i-isyu ang demand letter at makuha ang mga baril ni Baldo.
Hindi naman nagmatigas ang alkalde at sa halip ay ibinigay kaagad ang kanyang 12 gauge shotgun na may 1 drum magazine at 15 live ammo; isang colt .45 pistol na may 1 magazine at 45 live ammo at isang 45 pistol na may 3 magazines.
Ang pagsuko ng mga armas ni Baldo ay nasaksihan ng mismong ina nito na si Gloria Baldo at ni Police Superintendent Dennis Balla, ang officer in charge sa Daraga Municipal Police Station.
Nagpadala na rin ng panibagong demand letter ang PNP kay Mayor Baldo para naman sa natitirang baril nito.
Matatandaang una nang kinansela ng PNP ang lahat ng lisensya ng baril ni Mayor Baldo matapos matukoy na mastermind sa pagpatay kay Ako Bicol Representative Rodel Batocabe.