3 ASG kabilang ang wanted kidnapper na may P600-K patong sa ulo, sumuko sa militar sa Basilan

Isabela City, Basilan – Tatlo na namang aktibong kasapi ng teroristang Abu Sayyaf ang boluntaryo umanong sumuko sa militar sa lalawigan ng Basilan.

Ayon kay Lt. Col. Andrew Bacala ang Commander ng 4th Special Forces Battalion ng Philippine Army na kabilang sa tatlong sumukong bandido ay si Adulla Kalitut, na nasa number 4 sa listahan ng most wanted person sa Basilan at may P600,000.00 patong sa ulo dahil sa kasong kidnapping with ransom.

Habang ang dalawa pa ay kinilalang sina Natim Alamin, 25-anyos at si Adzmil Alamin, 20 na parehong mga tauhan ni ASG Sub-Leader Nurhassan Jamiri.


Isinuko rin ng mga ito ang isang unit ng M16 rifle at dalawang M1 garand rifle kasama ang mga bala. Kuwento pa ng wanted na si Kalitut na pagod na rin sila sa papalit-palit nilang lugar dahil sa pagtatago sa walang tigil na military operations sa mga bulubunduking bahagi ng Basilan.

Dagdag pa umano sa salaysay ni Kalitut na pera ang dahilan kung bakit nakumbinsi siyang sumama at ang marami pa niyang mga kasamahan sa grupo ng teroristang Abu Sayyaf.

Nangako umano ng malaking halaga ng pera ang grupo ng Abu Sayyaf sa kanilang pagrecruit sa mga residente kaya marami ang nauudyok na sumama sa teroristang grupo.

Ayon kay Bacala na sa kasalukuyan ay umaabot na sa 71 ang kabuuang bilang ng mga sumukong Abu Sayyaf sa Basilan pa lamang.

Umaasa ang militar na madadagdagan pa ang nasabing bilang ng mga bandido na ibig magbalik loob sa pamahalaan at mabuhay ng tahimik.

Samantala, hindi pa malinaw ngayon sa panig ng militar kung ano ang mangyayari sa sumukong wanted kidnapper na si Kalitut.

Matatandaan na una na ring nilinaw noon mismo n LtGen. Carlito Galvez Jr. ang commander ng Western Mindanao Command (WestMinCom) na idadaan sa tamang proseso ng batas at pananagutin ang susukong Abu Syayaf na may kinakaharap na kaso.
DZXL558

Facebook Comments