3 Bagong Nagpositibo sa COVID-19 sa Region 02, Nagpapagaling na; Contact Tracing Isinasagawa!

Cauayan City, Isabela- Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang tatlong (3) panibagong nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa Lambak ng Cagayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Lexter Guzman, Health Education and Promotion Officer ng DOH Region 02, inaalagaan at inoobserbahan na sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City sina PH7236, 28 taong gulang na lalaki, health worker, taga Santiago City at PH7308, 27 taong gulang na lalaki, health worker na taga Alfonso Lista, Ifugao pero nagtratrabaho sa Santiago City.

Si PH7236 ay nakaranas ng sipon at shortness of breath habang si PH7308 naman ay nagkaroon ng exposure kay PH4805, health worker din na taga Cauayan City, Isabela.


Habang si PH7274, 72 taong gulang na lalaki, bed ridden mula sa Aritao, Nueva Vizcaya ay nakaranas ng pagsusuka, panghihina ng katawan at lagnat noong Abril 16.

Si PH7274 ay walang travel history sa mga lugar na may kaso ng COVID-19 subalit napag-alaman na ang kanyang anak ay nanggaling sa Cavite.

Siya ay kasalukuyang nagpapagaling sa R2TMC sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Kaugnay nito, tinutukoy na ang iba pang mga health workers at mga posibleng nakasalamuha ng tatlong nagpositibo para sumailalim sa strict self-quarantine.

Samantala, nakapagtala na ng 30 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa rehiyon kung saan 26 na rito ang nag-negatibo sa sakit at isa ang nasawi habang nananatili pa rin zero case sa naturang sakit ang Lalawigan ng Quirino at Batanes.

Facebook Comments