*Alicia, Isabela-* Pinaalalahanan ng pamunuan ng Bureau of Fire Protection ng Alicia, Isabela ang mga mamamayan na suriing mabuti ang mga ginagamit na appliances sa bahay at bago iwanan ang tahanan.
Ito ay may kaugnayan sa nangyaring sunog partikular sa Purok Fortune, Brgy. Aurora, Alicia, Isabela kung saan magugunita na nitong Pebrero 17, 2019 pasado alas nuebe ng gabi, ay nasunog ang tatlong boarding house na pagmamay-ari ni Ginoong Randy Quiben.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Inspector Hadji Ramir Romero, hepe ng BFP Alicia, electrical short circuit ang nakitang sanhi ng sunog nang mapag-alaman na isang ceiling fan ang pumutok mula sa loob ng kwarto.
Una umanong sumiklab ang apoy sa gitnang paupahan hanggang sa madamay ang dalawa pang paupahan na nasa magkabilang gilid nito.
Sa pagresponde naman ng mga kasapi ng BFP Alicia, naapula ang sunog sa loob ng 15 minuto at wala namang naitalang nasaktan o nasugatan sa nangyaring sunog.
Sa ngayon ay inaalam pa ng mga otoridad ang pinsala sa natupok na boarding house.