Hanggang sa tatlong araw na lamang ang palugit ni Pangulong Duterte sa local gov’t units upang aksiyunan ang construction permit applications ng telecom companies para sa pagpapatayo ng cellular towers sa buong bansa.
Nagbanta ang Pangulo na ang sinomang hindi makasunod sa ‘3-day ultimatum’ ay kanya umanong pakakasuhan at posibleng masuspinde, o masibak.
Kasamang binalaan ni Duterte ang mga punong barangay na tumigil sila sa pag-aastang parang panginoon sa kani-kanilang lugar… na ang mga tiwali sa kanilang hanay ay kanya ring pakakasuhan.
“The clock is ticking except on the days that we do not hold office. I will count 72 hours during weekdays. For example if the application has been there on Monday, then two to three days should be Thursday,” paliwanag ng Duterte.
Iniutos din ng Pangulo sa lahat ng local councils sa bansa na ipaalam nila sa DILG ang kanilang compliance sa “three-day ultimatum’ matapos maipabatid sa kanila ang nasabing palugit.
Ipinaliwanag naman ni Sec. Harry Roque na ang ‘3-day ultimatum’ ng Pangulo ay pakiusap lamang partikular sa miyembro ng mga lokal na konsehong hindi saklaw ng Modified Enhanced Community Qurantine na madaliin ang aksiyon sa work permits and licenses applications ng lahat na digital infrastructure projects, lalo na ang cell sites sa mga kanayunan.
Sinabi ni Roque na kaugnay ang pakiusap ng Pangulo sa lumutang na problema sa internet connectivity ngayong nahaharap ang sistema ng ating edukasyon sa tinawag na flexible learning, kasama ang online classes.
Ang kakulangan ng cellular towers, lalo na sa malalayong probinsiya, ay tinukoy ng mga mag-aaral, magulang at pati mga guro na pangunahing balakid sa epektibong pagpapatupad sa tinawag na distance learning.
Nauna nang naipabatid sa Pangulo ng isang telecom company executive na inaabot umano ng hanggang walong buwan bago aksiyunan ng ilang LGUs ang lahat na permitting requirements dahil sa umaabot sa 25-29 permiso ang kakailanganin para lang maipatayo ang isang cellular tower.
Sa panig naman ni DILG Sec. Eduardo ay inabisuhan nito ang lahat ng LGUs na may mga nakabinbin pang applications para sa work permits ng cell site construction na agad nilang aksiyunan ang mga ito.
“As the President has ordered those LGUs with pending applications from telcos should be released (approval or rejection) in three days. If their requirements are lacking, you have the reason to disapprove. You do not withhold and delay,” paliwanag ni Año.