Bagama’t tuloy na tuloy na ang implementasyon ng General Community Quarantine (GCQ) with granular lockdown and alert level system sa National Capital Region (NCR) sa darating na Setyembre 16, 2021, may ilang isyu pa na kailangang plantsahin ang Inter-Agency Task Force (IATF) bago ito tuluyang ipatupad sa Huwebes.
Sa presscon sa Malakanyang sinabi ni DILG Usec. Epimaco Densing, na kasama sa mga usaping kailangan pang i-finalize ay ang pagkakaroon ng ‘Bakuna bubble’ sa NCR.
Pero base sa inilabas na opinyon ng Department of Justice (DOJ) ay hindi pa ito maaaring ipatupad dahil marami pa ang hindi bakunado sapagkat wala pa silang vaccine schedule at maaari itong maging isang uri ng diskriminasyon.
Paliwanag ni Usec. Densing pag-aaralan nila ito dahil dito sa Metro Manila, 60% na ang fully vaccinated habang nasa 80% ng target population ang nakatanggap na ng 1st dose.
Ikalawang isyu na kailangan nilang plantsahin ay ang hirit ng trade and commerce industry, na pahintulutan ang dine in o al fresco kahit 30% sa mga lugar na sasakupin ng Alert Level 4.
Habang ang huli ay kanilang lilinawin ang criteria sa pagdedeklara ng alert level system.
Humirit kasi ang Metro Manila mayors sa IATF na pag-aralan itong maigi, sapagkat maraming taga-labas ng NCR ang naka-admit sa ospital na nasasakop ng kanilang lungsod.
Resulta anila nito, kabilang sila sa Alert Level 4 kahit na ang mga COVID-19 patients kung nasaang lugar ang ospital ay hindi naman residente doon.
Ngayong hapon may pagpupulong ang technical working group ng IATF upang maisapinal ang mga nabanggit na usapin.