3 HIGH VALUE DRUG TARGET, ARESTADO SA ISABELA; PAKE-PAKETENG MARIJUANA, NAKUMPISKA

Cauayan City, Isabela- Tatlong (3) High Value Drug Target personalities ang matagumpay na nadakip ng mga alagad ng batas sa brgy. Arellano, Quezon, Isabela.

Nakilala ang mga nahuling suspek na sina Prince John Lord Paluyo, 20 taong gulang, residente ng Vacau General Trias, Cavite; Cyrus Crisologo, 18 taong gulang, residente ng Brgy Rizal, Makati City at isang 17 taong gulang na estudyante at residente ng Sta Cruz, Antipolo City.

Una rito, nagsagawa ng hot pursuit operation ang PDEA Kalinga kaugnay sa kanilang anti-drug operation sa Tabuk City na nagreulta sa pagkakahuli ng apat na suspek at pagkakakumpiska ng 112 bricks ng pinatuyong dahon ng marijuana.


Habang isinasagawa ang operasyon ng pulisya ay nagawang makatakas ng tatlong nasabing mga suspek lulan ang isang Suzuki Ertiga na may plakang NAN 5792 kaya’t agad na inalarma ang mga police stations na posibleng madaanan ng mga tumakas na tulak.

Agad namang inalerto ni PCol. James Cipriano ang mga kasapi ng Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office; ang Quezon Police Station; PDEA RO2 at PECU upang magsagawa ng drag net operation hanggang sa nakorner ang tatlong suspek sa isang gasolinahan sa in Brgy. Arellano sa bayan ng Quezon.

Nakuha sa mga suspek ang tatlong (3) malalaking transparent sachets ng marijuana, walong (8) maliliit na transparent sachets ng hinihinalang marijuana; dalawang (2) tubular form na naglalaman ng hinihinalang marijuana; isang (1) bote ng hinihinalang cannabis oil; isang (1) hashish marijuana; isang (1) improvised shotgun; dalawang (2) bala ng 12-gauge shotgun; dalawang (2) cellphones at ang kanilang ginamit na sasakyan.

Tinatayang aabot sa halagang Php196,000.00 ang halaga ng mga nakumpiskang ebidensya mula sa mga suspek.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na isasampa laban sa tatlong suspek.

Facebook Comments