Kinasuhan ng Philippine National Police (PNP) sa piskalya ang tatlong hindi na muna pinangalanang indibidwal na may kaugnayan sa brutal na pagpaslang sa isang radio broadcaster sa Misamis Occidental na si Juan Jumalon alyas Johnny Walker.
Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief PCol. Jean Fajardo kasong murder at theft ang ikinaso sa Provincial Prosecutor’s Office sa Misamis Occidental laban sa 3 katao.
Ang kaso ay para sa case build-up mechanism ng Department of Justice (DOJ) para matukoy ang pananagutan ng mga ito sa pagpatay kay Jumalon.
Hindi muna pinangalanan ang mga sangkot habang nagpapatuloy ang case build up.
Matatandaang si Jumalon ay nagpo-programa kamakailan sa kanyang istasyon na 94.7 Calamba Gold FM sa kanilang bahay sa Baranggay Don Bernardo Neri Calamba, Misamis Occidental nang barilin sya nang malapitan ng suspek na nagpanggap na may iaanunsyo umano sa radyo kaya ito nakapasok sa anchor’s booth.
Pagkatapos barilin, kinuha pa ng suspek ang kwintas ng biktima sabay alis sa crime scene.