Sinentensyahan ng Las Piñas Regional Trial Court Branch 254 ng dalawa hanggang walong taong pagkakakulong ang tatlong inmates na sangkot sa pagpatay sa brodkaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.
Unang kinasuhan sina Aldrin Galicia, Alvin Labra at Alfie Peñardonda ng murder dahil sa direktang partisipasyon sa krimen.
Pero ayon kay Atty. Danny Pelagio, abogado ng Pamilya Mabasa, naghain ng guilty plea ang tatlo upang mapababa ang kanilang parusa.
Sa kabila naman ng mga ipinadalang surrender feeler, hindi pa rin naaaresto ng pulisya si dating BuCor Chief Gerald Bantag, ang itinuturong utak sa pagpatay kay Percy Lapid.
Nag-alok na ang Department of Justice ng dalawang milyong pisong pabuya para sa ikadarakip ni Bantag habang isang milyong piso ang patong sa ulo ng kasabwat nitong si dating Deputy Officer Ricardo Zulueta.