3 Katao Kabilang ang Isang HVI, Timbog sa Anti-Drug Operation ng PNP

Cauayan City, Isabela- Bumagsak na sa kamay ng mga alagad ng batas ang tatong (3) kalalakihan na kinabibilangan ng isang High Value Individual (HVI) matapos maaresto ang mga ito sa magkakahiwalay na drug buybust operation na isinagawa ng pulisya sa Lalawigan ng Isabela.

Unang nahuli sa buybust operation ng PNP Cabatuan katuwang ang Provincial Drug Enforcement Unit ng Isabela at PDEA ang itinuturing na High Value Target ng PNP na kinilalang si Christopher Maramba, 36 taong gulang, negosyante na residente ng brgy. Luzon, Cabatuan, Isabela.

Positibong nakabili ang poseur buyer sa suspek ng isang (1) heat sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu at narekober naman sa kanyang pag-iingat ang buybust money na Php1,000.00 at Isuzu D-Max na may plakang WOA 733.


Natimbog naman sa Brgy. 4, San Mateo, Isabela ang isang 24 taong gulang na lalaki sa buybust operation din ng PNP sa naturang bayan.

Kinilala ang suspek na si Ericmer Lapuz y Martin, binata at residente ng Brgy 01, San Mateo Isabela.

Habang binebentahan ng suspek ng dalawang (2) sachet ng marijuana ang isang police poseur buyer ay natunugan nito na pulis ang kanyang katransaksyon kaya’t agad na sumakay sa kanyang motorsiklo at pinaharurot ito hanggang sa mabangga ang isa sa mga pulis na aaresto.

Agad namang hinabol ng ibang operatiba ang suspek at nakorner ito sa intersection sa bahagi ng Cadiz Building sa Barangay 4.

Kinapkapan ang suspek at nakuha sa kanyang pag-iingat ang limang (5) piraso ng tig isang daang piso (Php500.00) na ginamit sa buybust at tatlo (3) pang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana.

Sa bayan naman ng Ramon, Isabela ay naaresto rin sa parehong operasyon ng pulisya ang isang meat vendor na nakilalang si Philip Cairel, 31 anyos at residente ng Bugallon Norte, Ramon, Isabela.

Isang (1) sachet rin ng hinihinalang shabu ang nabili ng pulis na poseur buyer sa suspek kapalit ang halagang Php500.00.

Nakuha mula sa suspek ang ginamit na buybust money (Php500.00), isang unit ng cellphone at isang unit ng motorsiklo.

Ang tatlong (3) mga suspek ay dinala sa mga himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon maging ang mga nakumpiskang item para sa tamang disposisyon.

Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang inihahanda ng pulisya na isasampa laban sa mga tatlong suspek.

Facebook Comments