*Cauayan City, Isabela- *Bagsak sa kulungan ang tatlong indibidwal matapos matiklo sa pagpa-pot session bandang 1:30 kaninang madaling araw partikular sa Africano St., District 2, Cauayan City, Isabela.
Kinilala ang tatlong nadakip na sina Kailyn Lucena, 22 anyos, residente ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Christopher Apuado, 24 anyos, binata, residente ng Sto. Niño Subdivision, Cabaruan, Cauayan City at Arnel Cendaña, 24 anyos, binata, helper, residente naman ng Christine Village, District I, Cauayan City.
Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Brgy. Kag. Raul Cortez, Chairman ng Committee on Peace and Order ng Brgy District 2, Cauayan City at isa sa mga nanghuli sa tatlong drug user kasama ang PNP Cauayan na isa umanong concerned citizen ang nagpaabot sa kanila ng impormasyon kaugnay sa naamoy at nakita nitong paghithit ng marijuana ng tatlong suspek sa nabanggit na lugar.
Sa pagresponde ng mga otoridad ay matagumpay na naaresto ang mga suspek at nakuha mula sa kanilang pag-iingat ang tatlong sachet ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, tatlong cellphone, pera na nagkakahalaga ng mahigit apatnaraang piso, dalawang lighter at kaha ng sigarilyo na naglalaman ng nagamit na rolled foil.
Kaugnay nito, patuloy anya ang kanilang pagpapatrolya sa gabi katuwang ang kanilang BADAC Members upang mabantayan ang mga iligal na gawain na posibleng mangyari sa kanilang nasasakupan.
Mensahe naman ng nasabing opisyal na maging alerto at huwag matakot magsumbong sa mga kinauukulan kung may makitang gumagamit o nagtutulak ng droga.
Samantala, inihahanda na ng PNP Cauayan ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act na isasampa laban sa tatlong indibidwal.