Cauayan City – Sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng tatlong indibidwal matapos na mabangga ng isang trailer truck ang sinasakyan nilang SUV sa Brgy. Palattao, Naguilian, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Naguilian Police Station, binabaybay ng trailer truck na minamaneho ni Melvin Ambrocio ang daan patungo sa timog na direksyon habang nasa kasalungat na direksyon naman ang SUV na minamaneho ni Reynaldo Julian.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, nag overtake ang trailer truck sa sasakyan na nasa unahan nito at nang pabalik na sana ito sa orihinal nitong linya, bahagya itong pumreno subalit dahil sa madulas na kalsada dulot ng ulan ay dumulas muli ito sa patungo sa kabilang linya dahilan upang masalpok ang noon ay paparating na SUV.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng sugat ang driver ng SUV maging ang sakay nito na kinilalang sina Ferdinand Gaburo, at Juanito Gaburo kaya’t kaagad silang dinala sa pagamutan upang lapatan ng lunas.
Sa pinakahuling ulat, nagkaroon na umano ng pag-uusap ang dalawang panig kaugnay sa magiging kasunduan nila matapos ang nangyaring aksidente.