3 kidnap victims ng ASG – narekober ng militar sa Talipao, Sulu

Talipao, Sulu – Narekober ng mga miyembro ng Joint Task Force Sulu ang tatlong bihag ng Abu Sayyaf Group sa Barangay Kagay Talipao Sulu kaninang umaga.

Kinilala ni Joint task force sulu commander brig. Gen. Cirilito Sobejana, ang 3 nakalayang bihag na sina Jason Pon Vailoces, Joel De Mesa Adanza at Filemon Francisco Guerrero Jr.

Ang mga ito ay mga taga-Brgy Tumaga, Zamboanga City na kinidnap mula sa kanilang construction barracks sa Provincial Sports Complex, Barangay Bangkal, Patikul, Sulu noong July 15 2017.


Sa ulat ni Sobejana, nakita ng mga residente ang tatlong bihag na pagalagala sa kanilang barangay at agad na ipinagbigay alam sa barangay captain.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Talipao Police Station, 21st IB and 2nd Special Forces Bn at dito natuklasan na ang 3 ay mga kidnap victims na nakatakas mula sa Abu Sayyaf Group na pinamumunuan ni Almujer Yadah.

Sa kanilang salaysay, ilang araw na silang karay-karay ng mga bandido habang tumatakas mula sa mga tumutugis na militar, at nang magkaroon ng oportunidad bandang alas 4 ng hapon kahapon, ay tinakbuhan nila ang kanilang mga kidnappers.

Isasailalim muna sa medical examination at custodial debriefing ang tatlo sa headquarters ng Joint Task Force Sulu, Camp Bautista, Busbus, Jolo, Sulu bago sila ilipad patungong Zamboanga para makabalik sa kanilang mga pamilya.

Facebook Comments