Cauayan City, Isabela- Nauwi sa pagkahuli ng tatlong (3) kalalakihan ang kanilang pagbiyahe ng mga illegal na pinutol na kahoy sa Lalawigan ng Cagayan.
Natimbog ang mga suspek na kinilalang sina Joyson Cadorna, 19 taong gulang, Jestoni Agustin, 31 taong gulang at Bryan Oril, 17 taong gulang na pawang mga residente ng barangay Asassi, Baggao, Cagayan.
Una rito, habang nagbabantay sa quarantine checkpoint ang mga kasapi ng PNP Lal-lo sa pangunguna ni PLT Rizal Castillo, Deputy Chief of Police ay naharang ang sakay ng mga suspek na isang puting Fuso Cabter truck na may plakang RKG 132 na nakarehistro sa pangalang Julius Caculitan Cadorna na minamaneho ng anak na si Joyson Cadorna.
Nang inspeksyunin ang sakay ng mga suspek ay nakita ang kanilang sakay na mga kahoy (Narra) at nang sila ay hanapan ng dokumento ng mga nasabing kahoy ay bigo silang makapagpresinta.
Nagresulta ito sa kanilang pagkakahuli at nakumpiska sa kanilang pag-iingat ang tinatayang nasa 11 piraso ng Narra lumbers.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga suspek at nakumpiskang kahoy para sa dokumentasyon at disposisyon.
Samantala, bigo namang mahuli ng PNP Sta Teresita ang tatlong (3) mga suspek na nagkakamada ng mga iligal na pinutol na kahoy matapos silang salakayin sa bulubunduking bahagi ng Sitio Paribalat sa Brgy. Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan.
Nakilala ang isa sa mga suspek na si Rolly Tenido habang hindi pa nakikilala ang dalawa pang lalaki na kasamahan nito.
Nakumpiska sa lugar ang nasa 234 boardfeet ng iba’t-ibang klase ng kahoy na tinatayang nagkakahalaga ng Php8,213.00 base sa naging pagtaya ng isang Forest Technician na si Ginoong Arsenio Arellano.
Inihahanda naman pulisya ang kaukulang kaso na isasampa laban sa mga suspek.