Nahuli ng awtoridad ang tatlong lalaking tumawid ng karagatan para lamang bumili ng alak sa Talisay City, Negros Occidental noong Martes.
Ayon sa Talisay City PNP, nanggaling pa raw sa probinsiya ng Iloilo ang mga nasitang sibilyan.
Sa ilalim kasi ng ordinansa doon kontra COVID-19, maigting din binabantayan ng pulisya ang nasasakupang dagat, dahilan upang maharang nila ang mga dayo.
Paliwanag ng mga lalaki, umiiral pa raw ang liquor ban sa kanilang lugar kaya naisipan nilang magtungo sa nasabing lungsod.
Inalis ng lokal na pamahalaan ang liquor ban sa Talisay City simula pa noong Mayo 1 matapos isailalim ng gobyerno sa general community quarantine ang buong lalawigan ng Negros Occidental.
Pero sa kabila ng insidente, minabuti ng mga kawani na hindi na sila sampahan ng kaso, alinsunod din sa safety regulations.
Sumama na lamang ang mga opisyal sa pagpalaot ng mga lalaki upang masigurong makakabalik ito ng ligtas sa Iloilo.