3 Lalaki na Sakay ang Ibibiyaheng Kamatis, Sugatan sa Aksidente

*Cauayan City, Isabela*- Nagpapagaling na ang driver at dalawang (2) pahinante ng elf truck matapos mawalan ng preno ang kanilang sinasakyan at aksidenteng bumangga sa ibabang bahagi ng drainage canal sa pambansang lansangan ng Brgy. Indiana, Bambang, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang mga biktima na sina Rolito Manuel, 35-anyos, may asawa, driver ng truck at residente ng Brgy. Labni; Ryan Alegria, 37 anyos, may asawa, at residente ng Brgy. Homestead at Michael Dones, 29 anyos, may asawa, kapwa vegetable porter at residente ng Brgy. Indiana na kapwa mga naninirahan sa Bambang, Nueva Vizcaya.

Ayon kay PCpl. Andremar Taysa ng Bambang Police Station, imbestigador sa kaso, pasado alas-otso ng umaga kahapon (April 17, 2020) ng mangyari ang insidente sakay ang mga ibibiyaheng kamatis patungo sa kalakhang maynila.


Nabatid na nagtamo ng matinding sugat sa mga katawan ang biktima matapos mayupi ang harapang bahagi ng elf truck.

Lumalabas pa sa imbestigasyon ng pulisya na may mechanical defect ang sasakyan na sanhi ng aksidente.

Samantala, nagpapagaling na ang dalawang pahinante sa kani-kanilang mga bahay habang nananatili pa rin sa pagamutan ang driver matapos magtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan.

Facebook Comments