Cauayan City, Isabela- Hinihimok ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang tatlong alkalde na magsagawa ng kongkretong hakbang para isailalim sa isolation facility ang mga magpopositibong pasyente sa COVID-19 na pawang mga asymptomatic o walang nakitaang sintomas ng nasabing sakit.
Ayon kay Gov. Mamba, posibleng mas magkaroon lang ng mas malaking problema ang mga bayan at siyudad na nasasakupan ng mga opisyal kung magpapatuloy ang ginagawang home quarantine sa mga asymptomatic na pasyente.
Tinutukoy ni Mamba ang mga alkalde ng bayan ng Amulung, Allacapan at Tuguegarao City.
Aniya, hindi magandang basehan ang pagsasailalim sa strict home quarantine ng mga asymptomatic na pasyente dahil maaari pa rin silang makapanghawa sa kani-kanilang miyembro ng pamilya kaya’t maiigi aniya na maideretso ito sa mga inilaang pasilidad ng pamahalaan.
Samantala, lumalabas sa datos na 129 ang aktibong kaso ng COVID-19 ang mayroon ang lungsod ng Tuguegarao habang sa ibang mga bayan ay nahati-hati o katumbas ng 50 pasyente.
Posibleng may mali aniya sa ginagawang pagtugon ng mga alkalde sa mga kaso ng COVID-19 sa kanilang bayan kung kaya’t maaaring madagdagan pa ang mga ito kung hahayaan na magpatuloy ang ganitong nakagawian na.
Dahil dito, pansamantalang itinigil ng LGU Tuguegarao ang relief operation dahil sa tumataas na kaso ng Covid-19 sa lungsod.
Ito ay batay sa inilabas na Executive Order No. 139 na nilagdaan ni City Mayor Atty. Jefferson P. Soriano, hakbang upang maagapan ang pagdami ng naitatalang bilang ng aktibong kaso ng Covid 19.