Cauayan City, Isabela- Nasagip ng mga elemento ng PNP Tumauini ang tatlong (3) menor de edad na pinalayas umano ng amo na humikayat sa kanila para magtrabaho sa isang junkshop sa Lungsod ng Tuguegarao.
Sa ibinahaging impormasyon ni PMaj. Rolando Gatan, hepe ng PNP Tumauini, pasado alas sais ng gabi, July 5, 2020 habang nagpapatrolya ang mga nagbabantay na pulis ay nakita ang tatlong mga menor de edad na naglalakad sa gilid ng national highway sa palengke sa kabila ng pagbabawal sa mga nasa edad 20 pababa at senior citizen ngayong nasa Modified General Community Quarantine na ang Isabela.
Nakilala ang tatlo na sina Reymarie Jimenez, 15 taong gulang, Ashley Hilario, 13 taong gulang at Alfred Paragas, 17 taong gulang na pawang mga residente ng San Nicholas, Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Walang dalang mga kaukulang dokumento ang tatlo at nabatid na galing ang mga ito sa Brgy Annafunan, Tuguegarao City, Cagayan kung saan nagtrabaho at nanirahan umano ang mga ito ng halos anim (6) na buwan.
Ayon sa panayam ng mga pulis sa mga menor de edad, nakilala umano ng mga ito sa kanilang lugar ang isang nagngangalang Leslie Estacio at sila’y hinikayat na magtrabaho sa kanyang junkshop sa barangay Annafunan sa Lungsod ng Tuguegarao.
Nito lamang ika-4 ng Hulyo ay pinalayas umano sila ng kanilang amo kaya’t nagdesisyon ang mga ito na umalis at maglakad nalang pauwi sa kanilang tahanan sa Nueva Ecija na siya namang dahilan ng kanilang pagkakasagip ng PNP Tumauini.
Unang dinala sa himpilan ng pulisya ang tatlong menor de edad bago ipasakamay sa MSWD para sa disposisyon.