3 Milisya ng Bayan, Sumuko sa 86th IB

Cauayan City, Isabela- Boluntaryong sumuko ang tatlong (3) Milisya ng Bayan (MB) sa mga sundalo ng 86th Infantry ‘Highlander’ Battalion na nagsasagawa ng Community Support Program (CSP) sa Lalawigan ng Quirino.

Sa ibinahaging impormasyon ng 86th Infantry Battalion, ang tatlong sumukong MB ay pawang mga residente ng barangay Sangbay, Nagtipunan, Quirino at kasapi ng Kilusang Larangang Gerilya-Quirino-Nueva Vizcaya (KLG-Q-NV).

Nahikayat ang mga ito sa isinasagawang CSP ng mga sundalo na isa sa mga konsepto ng Executive Order 70 ng Pangulong Rodrigo Duterte na naglalayong gamitin ang lahat ng ahensya ng gobyerno pati mga pribadong sektor para tapusin ang lokal na insurhensya sa ating bansa.


Pinuri naman ni LTC Ali Alejo, Commanding Officer ng 86th IB, ang ginawang pagbabalik loob ng tatlong MB’s at naniniwala ito na magiging sanhi ito ng lalong paghina ng kanilang dating kilusan.

Hinimok naman ni LTC Alejo ang mga natitira pang rebelde na bumaba at magbalik na sa pamahalaan upang makapamuhay ng masaya at payapa kasama ang pamilya at mga mahal sa buhay.

Nakatakda nang iproseso ng 86th IB ang mga dokumento ng tatlo para makuha at mapabilang sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o ECLIP na handog ng pamahalaan para sa lahat ng mga magbabalik loob na rebelde.

Facebook Comments