3 Milisyang Bayan, Sumuko sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Tatlong (3) miyembro ng Milisyang Bayan (MB) ang nakumbinse ng tropa ng pamahalaan na magbalik-loob sa gobyerno at kumalas sa rebeldeng grupo sa bayan ng Sto. Niño, Cagayan.

Ang mg sumuko ay nakilalang sina alyas Leon, 47 taong gulang, magsasaka; alyas Loreto, 57 taong gulang, magsasaka, NPA courier at alyas Leonardo, 49 taong gulang, magsasaka, NPA courier din at pawang mga residente ng Sitio Lagum, Brgy. Lipatan, Sto. Nino Cagayan.

Ibinunyag ng tatlong dating MB na sila ay kasama ng mga teroristang grupo na pinamumunuan ni alyas Lanlan simula pa noong taong 2009 at sila’y sumailalim na rin sa combat trainings kasama ang iba pang mga milisyang bayan sa nasabing lugar.


Kinilala din ng mga ito ang kanilang mga pinuno na kilala sa tawag na alyas Esban, Paul, Magong at alyas George.

Inihayag din ng tatlong MB na sila ay sumama sa iba’t-ibang kilos protesta ng at election campaigns sa Lungsod ng Tuguegarao at sa Maynila kasama ang kanilang organizer na si Ginoong Isabelo Adviento o alyas Buting.

Nakibahagi rin umano ang tatlong sumuko sa iba pang mga aktibidades ng rebeldeng grupo sa lalawigan ng Cagayan.

Nahikayat umano ang tatlong dating MB ng mga tropa ng Sto. Niño Police Station dahil sa kanilang programang ‘Pulis sa Barangay’ sa pangunguna ng kanilang Acting Chief of Police na si PLt Joel Guban katuwang ang 1st Provincial Mobile Force Company, 4th Mobile Force Platoon, 202nd Regional Mobile Force Battalion, RIU2-IG at ng tropa ng 17IB ng Philippine Army.

Facebook Comments