3 miyembro ng pamilya, patay matapos malunod sa swimming pool

(Picture: SOLARPIX.COM)

COSTA DEL SOL, Spain – Nasawi ang tatlong miyembro ng pamilya matapos malunod sa swimming pool ng isang resort nang magtangkang isalba ang una nang nalulunod na batang babae.

Ayon sa report, nahirapang lumangoy ang 9-anyos na babae kaya agad siyang tinulungan ng kanyang 52-anyos na tatay at 16-anyos na kuya sa resort ng Club La Costa World bandang alas 1:30 ng hapon, Disyembre 24.

Batay sa ulat, agad na tumalon ang tatay nang makitang nalulunod ang anak ngunit sa kasamaang-palad ay hindi na rin ito nakaahon ng buhay.


Kwento ng isang nakasaksi, “The girl’s brother and then the father jumped into the water when they saw she was in difficulties.”

Habang nagsasagawa ng CPR ang isang turista na nasa pinangyarihan ng insidente, patuloy umano ang panalangin ng kanilang ilaw ng tahanan.

“She was calm. She was touching their bodies. She continued praying even after the ambulance people arrived and had stopped trying to revive them,” kwento ni Josias Fletchman, 35.

Sa kwento naman ng isa pang saksi, narinig daw nila ang malakas na sigawan at dito tumambad ang tatlo na sinubukan pa umano nilang i-revive.

Huli na rin nang dumating ang mga doktor at hindi na tuluyang pang naisalba ang mga biktima.

Ayon sa mga opisyal ng naturang resort, wala umanong problema sa sirkulasyon ng kanilang sistema.

Sa kabila nito ay magbibigay ng tulong ang management sa naulilang pamilya ng mga biktima.

Samantala, habang patuloy ang imbestigasyon, inilipat na ang mga bangkay sa Forensic Medicine sa Malaga para maisailalim sa autopsy.

Facebook Comments