3 Miyembro nng NPA sa Isabela, Sumuko Ngayong Semana Santa

Cauayan City, Isabela- Magkasunod na boluntaryong sumuko sa hanay ng 86th at 95th Infantry Battalion at ng kapulisan ang tatlong (3) mga regular na kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Lalawigan ng Isabela noong ika-2 ng Abril taong kasalukuyan.

Unang sumuko sa hanay ng 86th IB si alyas ‘Popoy’ na narekrut noong Oktubre 2020 ng isang alyas Andong ng Squad Uno, Regional Sentro De Gravidad (RSDG), Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) sa Sitio Jet, Barangay Rizal, San Guillermo, Isabela.

Si alyas ‘Popoy’ ay kasama sa grupo ng mga rebeldeng nakasagupa ng 86th IB sa nangyaring engkuwentro sa Bayan ng San Guillermo noong March 15, 2021 na ikinasawi ng pinakamataas na pinuno ng teroristang CPP-NPA sa rehiyon dos na si Ka Yuni.


Ayon kay Popoy, nagsumikap siyang tumakas dahil ayaw siyang payagan ng kanyang mga kasamahan na tumiwalag sa kilusan.

Pagod na rin aniya siyang magtago sa pamahalaan at ayaw nang maranasan pa ang ilang araw na gutom dahil sa palipat-lipat nilang paghahanap ng matutuluyan.

Samantala, dalawang miyembro din ng NPA ang sumuko sa mga otoridad sa bayan ng San Mariano na kinilalang sina alyas Kalahati/Rocket/Rudy, lider ng Squad Dos ng RSDG, KR-CV, narekrut noong taong 2017 ng isang alyas Bang, at alyas Kevin/Ron-Ron/Benjamin, Supply Officer naman ng Squad Tres ng RSDG, KR-CV, napasampa naman siya nina alyas Mandy, Rona, Zaldy at Lopez noong taong 2016.

Tumiwalag sa grupo ang dalawang sumuko dahil din sa hirap na kanilang nararanasan sa loob ng kilusan.

Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga nagbalik-loob para sa kanilang seguridad habang inilalakad naman ang kanilang mga makukuhang benepisyo sa ilalim ng Enhance Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Facebook Comments