3 netizens, kakasuhan sa pagpapakalat ng fake news kaugnay ng COVID-19

Sasampahan ng kaso ng Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) ang tatlo kataong nagpakalat umano sa social media ng mga litratong may kaugnayan sa pinangangambahang 2019-novel coronavirus.

Ayon kay PPPO director Col. Redrico Maranan, dalawa sa mga ito ay babae mula sa bayan ng Lingayen, habang iniimbestigahan pa ang pagkakakilanlan ng pangatlo.

Nag-post umano ang tatlo ng sinasabi nilang reunion photo ng klaseng kinabibilangan ng isang Pinoy mula Australia na nagpositibo sa COVID-19.


Pinakalat din daw nila ang umano’y listahan ng mga dumalo sa reunion na ginanap sa Pangasinan.

Nahaharap ang tatlo sa kasong paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Law and the Republic Act 10173 o ang Data Privacy Act.

Ayon pa kay Maranan, ang mga nagbahagi ng peke at malisyosong impormasyon ay may pananagutan din tulad ng orihinal na nag-post.

Mahaharap ang sinumang lumabag sa halos limang taong pagkakakulong at multang P500,000 hanggang P1 milyon.

“Hindi nakakatulong at nakakadagdag pa ng kalituhan at nagku-cause unnecessary attention or panic,” paliwanag ng opisyal.

Facebook Comments