Cauayan City, Isabela- Kusang sumuko sa mga kasundaluhan ang tatlong kasapi ng New People’s Army (NPA) bago ang nangyaring sagupaan sa pagitan nila at sa tropa ng 95th Infantry Battalion sa Barangay Rang-ayan, City of Ilagan, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Army Major Noriel Tayaban, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, Philippine Army, nakilala ang tatlong sumuko na sina Ka Alvin, isang team lider na pinaniniwalang galing mula sa bayan ng San Mariano, Ka Leslie, supply officer na mula Visayas at isang 16 anyos na Dumagat na si Ka Jimboy mula sa bayan ng Divilacan, Isabela.
Ayon kay Maj Tayaban, matagal na umano na gustong magbalik loob sa gobyerno ng tatlo subalit dahil sa pananakot ng kanilang Commander ay hindi umano sila nakasuko.
Matatandaan na kahapon ng tanghali ay nagka sagupaan sa pagitan ng 95th Infantry Battalion at pinagsanib na pwersa ng Regional Sentro de Gravidad (RSDG) at Isabela Central Front sa Barangay Rang-ayan matapos magresponde ang kasundaluhan sa lugar dahil sa ginagawang extortion ng mga rebelde sa mamamayan.
Samantala, tatlong miyembro din ng NPA ang napatay sa nangyaring engkwentro na kasalukuyang nasa isang punerarya.