Patay ang tatlong miyembro ng New Peoples Army (NPA) matapos na salakayin ang Victoria Municipal Police Station sa Northern Samar kaninang pasado alas-3:00 ng madaling araw.
Ayon kay PNP Region 8 Regional Director Police Brigadier General Dionardo Carlos, nasa 50 mga miyembro ng NPA ang sumalakay sa police station pero agad na nakapagdepensa ang mga pulis.
Umakyat sila sa rooftop o 3rd floor ng police station at doon nakipagpalitan ng putok sa mga sumalakay na rebelde.
Dumating ang mga rebelde sa police station sakay ng forward truck at mga nakasuot ng military fatigue.
Kabilang ang mga ito sa Sub-Regional Committee Emporium of the Eastern Visayas Regional Party Committee na pinamumunuan ni Ranie Cabides alyas Nadie bilang secretary.
Sa pagsalakay tatlong NPA ang namatay at naaresto ang isa pa, nakuha ang ilang armas mula sa mga ito.
Sugatan naman ang dalawang pulis na sina SP02 Arturo Gordo, Jr at SP01 Arnold Cabacang.
Sa ngayon patuloy ang pagtugis ng mga pulis sa Northern Samar sa mga nakatakas na rebelde.