Nakakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Korte Suprema ang tatlo pang party-list groups matapos mabasura ng Commission on Elections o COMELEC ang kanilang registration.
Ang mga ito ay ang Friends of the Poor and Jobless (FPJ) Party-list, AKO BREEDER, at Laban ng Isang Bayan Para sa Reporma at Oportunidad (LIBRO).
Sa magkakahiwalay na resolusyon ng Supreme Court En Banc, ipinag-utos nito sa COMELEC na ipahinto ang implementasyon ng kautusan at resolusyon nito na nagdidiskuwalipika sa tatlong party-list groups.
Inatasan din ng Supreme Court ang COMELEC na magsumite ng komento sa petisyon ng mga grupo sa loob ng sampung araw.
Una na ring nag-isyu ang SC ng TRO laban sa pagbasura ng COMELEC sa akreditasyon ng pitong iba pang party-list groups.