3 pang rehiyon sa bansa, maaari nang ibaba sa Alert Level 1

Kandidato ang tatlong rehiyon sa bansa para maibaba na rin sa Alert Level 1.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni National Vaccination Operations Center Chairperson at Health Usec. Myrna Cabotaje na kabilang dito ang Regions 1, 2 at 6.

Ayon kay Cabotaje, lahat ng mga probinsiya at lungsod sa buong Region 1 ay nakamit na ang kanilang vaccination target na 70% ng eligible population.


Ganito rin ang sitwasyon sa Region 2 bagama’t ang Nueva Vizcaya ay nakapagtala ng mababang vaccination rate pero marami na aniya sa munisipalidad ay mataas na ang antas ng bakunahan.

Pati aniya ang A2 o senior citizens ng dalawang rehiyon ay mataas na ang vaccination coverage.

Samantala, sa Region 6 naman ay 70% na rin ang vaccination rate pero sa senior citizen o A2 sector ay nasa 73% pa lamang.

Makakatulong aniya ang ‘Bayanihan, Bakunahan’ part 4 para umangat ang vaccination rate sa mga nabanggit na rehiyon at maibaba na sila sa Alert Level 1.

Facebook Comments