*Cauayan City, Isabela- Tatlong panibagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang muling naitala sa bayan ng Aurora, Isabela.*
Ayon kay Mayor Joseph Christian Uy, ang tatlo ay kinabibilangan ng isang 36 yrs old na lalaki mula sa Metro Manila at dalawang lalaking OFW na nasa edad 34 at 45 taong gulang.
Nilinaw ng alkalde na hindi nakauwi sa kani-kanilang mga barangay ang mga nagpositibo dahil idineretso ang mga ito sa mga quarantine facility pagkarating sa bayan ng Aurora noong June 19, 2020.
Ang dalawang OFW ay sumakay sa OWWA bus habang ang isang lalaki na galing sa Maynila ay sumakay sa bus ng LGU.
Unang nagnegatibo sa COVID-19 sa isinagawang swab test sa Metro Manila ang dalawang OFW ngunit nagpositibo ang mga ito matapos na isailalim sa swab test sa Isabela.
Mayroon namang nakitang sintomas sa 36 years old na lalaki kaya’t agad na kinuhanan ng swab sample hanggang sa lumabas ang resulta nito na positibo ito sa COVID-19.
Isasailalim na rin sa swab test ang mga nakasabayan sa bus ng naturang lalaki.
Iginiit nanan ni Mayor Uy na walang dapat ipangamba ang publiko dahil wala naman aniyang nakahalubilong kaanak o naging ‘close contacts’ ng mga bagong nagpositibo.
Plano din ng alkalde na ipa-swab test ang lahat ng mga kawani ng RHU upang masiguro na ligtas din ang mga ito sa naturang sakit.
Samantala, hindi magpapatupad ng total lockdown ang alkalde ng Aurora subalit nagpaalala ito sa mga kababayan na sundin ang mga ipinatutupad na protocol upang makaiwas sa sakit na COVID-19.