3 Patay; 1 Sugatan sa Banggaan ng Motorsiklo at Close Van sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Patay ang tatlong (3) sakay ng motorsiklo makaraang mabangga ng isang service shuttle ng Barangay Mabini, Santiago City bandang 4:30 ng hapon kahapon sa Brgy. San Roque, Enrile, Cagayan.

Nakilala ang nasawing biktima na pawang magkapatid na sina Michael Alasca, 27-anyos, binata, isang magsasaka; Mark Angelo Alasca, 21-anyos, binata, isang magsasaka at Roel Lazaro 16-anyos, binata, isang magsasaka na kapwa mga residente ng Brgy. Roma Norte, Enrile, Cagayan.

Habang ang suspek ay kinilalang si Michael Narag, 46-anyos, may-asawa, driver ng H100 close van at residente ng Brgy.Mabini, Santiago City, Isabela.


Sa panayam ng iFM Cauayan kay PMAJ. Rodel Gervacio, hepe ng PNP Enrile, binabagtas ng suspek na si Narag ang hilagang direksyon at ng makarating sa pinangyarihan ng insidente, isang motorsiko na kulay itim ang bumabagtas ng kabilang linya ng daan at sinasabing biglang umagaw ng linya at bumangga sa H100 close van.

Bilang resulta, tumilapon ang mga biktima sa sementadong bahagi ng daan at nagtamo ng matinding tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan at nagawa pang isugod sa ospital subalit idineklarang dead on arrival ng sumuring doktor.

Nagtamo rin ng sugat sa katawan si Narag na agad isinugod sa St. Paul Hospital sa Tuguegarao City para sa atensyong medikal.

Nagkaroon din ng matinding pinsala ang sasakyan sa kaliwang harap na bahagi nito habang wasak naman ang motorsiklo.

Mahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide, Physical Injuries and Damage to Property ang suspek na si Narag.

Sinabi naman ni PMAJ. Gervacio na nakikipag-ugnayan na ang magkabilang panig para sa pag-areglo sa nasabing insidente.

Facebook Comments