3 patay matapos lagyan ng dry ice ang pinagliliguang pool para makagawa umano ng kakaibang special effects

(waraphorn-aphai/Getty Images/iStockphoto)

Nauwi sa trahedya ang masaya sanang birthday party ng isang Instagram influencer mula Russia nang 3 ang nasawi matapos lagyan ng 25kg dry ice ang pinagliliguang swimming pool ng mga ito.

Ayon sa report ng Daily Beast, bago ang insidente ay nagpost pa noong Biyernes sa social media si Yekaterina Didenko ng kanyang 29th birthday party kung saan ibinahagi nito ang mala-festival niyang pagdiriwang.

Ngunit makalipas umano ang ilang oras ay ibinalita ni Didenko ang hindi inaasahang pangyayari nang maglagay sila ng 25kg dry ice sa kanilang swimming pool.


Nang magsimulang umusok sa pool, dalawa sa mga bisitang naliligo ang agad binawian ng buhay nang mahirapan umanong makahinga ang mga ito.

Apat na iba pa ang sugatan nang magtamo ng chemical burns at nalason ayon sa karagdagang ulat.

Dahil sa pangyayari, nagpasya ang asawa ni Didenko na tumalon sa pool para subukang alisin ang mga dry ice ngunit bigla na lamang daw itong nahirapang huminga.

Nagawa pa itong maisugod sa ospital ngunit kalaunan ay idineklara ring patay.

Labis naman ang pagdadalamhati ng naturang influencer.

Samantala, nagbukas na ng criminal investigation ang Russian Investigative Committee para sa nangyaring insidente ayon sa report ng Moscow Times.

Ang dry ice ay isang frozen carbon dioxide na madalas ginagamit sa mga haunted house at nightclubs para sa dramatic effects.

Ang singaw na maaari nitong mai-produce ay makakapagdulot ng mataas na lebel ng carbon dioxide sa dugo ng tao kapag inilagay sa lugar na limitado lamang ang bentilasyon.

Facebook Comments