*Cauayan City, Isabela*- Muling nakapagtala ng panibagong Patient-under-Investigation ang Cagayan Valley Medical Center sa Lungsod ng Tuguegarao kagabi, April 5, 2020.
Ayon sa ulat ni Medical Center Chief Dr. Glenn Mathew Baggao, naka-admit ngayon sa ospital ang tatlong (3) pasyente matapos makitaan ng ilang sintomas ng coronavirus o covid-19.
Kabilang ang 58-anyos na babae mula sa Bayan ng Enrile sa Cagayan matapos itong makaranas ng pananakit sa kanyang Kidney na kinakailangang sumailalim sa Dialysis.
Isa rin ang 59 anyos na ginang mula sa Piat, Cagayan na nagkaroon ng exposure kay PH2764 at isang Nurse mula sa Cagayan Valley Medical Center na nagkaroon naman ng exposure sa kauna-unahang nagpositibo sa covid-19 na si PH275.
Kaugnay nito, hihintayin pa ang swab test result ng tatlong pasyente kung ito ay positibo sa nakamamatay na sakit.
Umaasa naman si Dr. Baggao na magnegatibo sa sakit ang tatlong pasyente.
Sa ngayon ay nasa 9 nalang ang nananatiling kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong Lambak ng Cagayan.