3 PDEA agent at 4 na pulis, kakasuhan kaugnay ng 2021 ‘misencounter’

Sasampahan ng Department of Justice (DOJ) ng mga kaso ang tatlong ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at apat na pulis matapos ang 2021 “misencounter” sa pagitan ng magkabilang panig kung saan apat na katao ang nasawi.

Ayon sa DOJ, kasong homicide ang isasampa nila laban kina PDEA agents Khee Maricar Rodas, Jelou Satiniaman at Jeffrey Baguidudol dahil sa pagkamatay ni Police Corporal Eric Elvin Gerado.

Habang direct assault ang isasampa kina Police Corporal Paul Christian Ganzeda, Police Corporal Honey Besas, Police Major Sandie Caparroso, at Police Major Melvin Merida.


Ihahain ang mga nasabing kaso sa Quezon City Regional Trial Court.

Samantala, dalawang reklamong homicide naman ang ibinasura dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Matatandaang Pebrero 2021 nang masangkot sa shootout ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at PDEA sa harapan ng isang fast-food chain sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Kapwa iginigiit ng magkabilang panig na nagsasagawa sila ng anti-drug operations.

Nasawi sa “misencounter” ang dalawang pulis, isang PDEA agent at isang informant.

Facebook Comments