Nakaligtas sa parusang bitay ang dalawang Pilipino sa United Arab Emirates matapos na bigyan ng pardon ni UAE President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan.
Ang dalawang Pinoy ay hinatulan ng parusang kamatayan sa UAE dahil sa drug trafficking.
Habang napagkalooban din ng pardon ang isa pang Pilipino na sinentensyahan naman ng 15 taong pagkakakulong dahil sa kasong slander.
Ayon sa Presidential Communication Office, matapos na matanggap ang magandang balita ay agad na tinawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang UAE leader upang pasalamatan.
Bago ito, sumulat si Pangulong Marcos kay Sheikh Mohamed noong April 27 upang hilingin ang pagpapalaya sa tatlong Pilipino.
Samantala, sa kanila ring pag-uusap sa telepono ay pinasalamatan ng pangulo ang presidente ng UAE sa tulong na ipinadala nito para sa mga pamilyang apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.