Pumalo na sa lima ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa Department of Health.
Tinukoy ng kagawaran ang mga namayapa na sila Patients 5, 6, at 37.
Sina Patient 5, 62-taong-gulang, at Patient 6, 59-taong-gulang, ay ang mag-asawang naninirahan sa Cainta, Rizal, at nakaratay sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Alabang, Muntinlupa City.
Nakitaan ng sintomas si Patient 5, na palaging pumupunta sa Muslim prayer sa Greenhills, San Juan, noong Pebrero 25 at nagpositibo sa kinatatakutang virus noong Marso 11.
Bago ito tamaan ng COVID-19 , mayroon na siyang sakit na diabetes, acute kidney injury, at hypertension. Namatay siya kagabi, Marso 12, bunsod ng acute respiratory distress syndrome mula sa severe pneumonia.
Diabetic naman ang nahawaang misis na pumanaw noong Miyerkoles ng gabi sa parehong dahilan.
Samantala, binawian ng buhay nitong Huwebes ng gabi si Patient 37, na isang 88-anyos na babae, habang naka-confine sa Philippine Heart Center.
Dati na raw may hypertension ang pasyente na residente ng Pasig City.
Nakumpirmang tinamaan siya ng virus nitong Marso 11 na unang nakaramdam ng COVID-19 symptoms noong Pebrero 28.
Sa huling datos ng DOH, umakyat na sa 52 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong bansa.