3 POGO bosses na dineport, tumakas sa layover o sa stopover ng eroplano

Ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros na hindi nakarating sa China ang tatlong Philippine Offshore Gaming Operators o POGO bosses na kabilang sa mga idineport ng Bureau of Immigration (BI).

Sa pagdinig ng Senado, tinukoy ni Hontiveros ang POGO bosses na sina Lyu Xun, Kong Xiangrui at Wang Shangle na kabilang sa mga unang pina-deport ng ahensya.

Gayunman, sinabi ni Hontiveros na hindi nakarating sa China kahit ang kaluluwa ng tatlong Chinese POGO bosses at ang mga ito ay nakatakas sa layover o stop-over ng eroplano na pinagsakyan sa kanila ng BI.


Kinwestyon ng mambabatas kung bakit transit flights o may layover pa ang pinagsakyan ng mga nahuli sa POGO gayong pwedeng mag-direct flight ang mga ito sa China.

Paliwanag dito ni BI Legal Division Head Atty. Arvin Cesar Santos, ang objective lang nila sa deportation ay matiyak na isinakay sa eroplanong palabas ng bansa ang deportee at gawing blacklisted o hindi na pwedeng makabalik dito sa Pilipinas.

Paliwanag naman ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, walang budget ang Immigration sa pagbili ng plane ticket ng dini-deport kaya may pagkakataon na mismong ang deportees ang bumibili ng sariling ticket sa eroplano kung kaya ng mga ito.

Facebook Comments