BI, binigyan ng ultimatum ng senador ukol sa impormasyon ng pagtakas ni Alice Guo

Binigyan ng ultimatum ni Senator Risa Hontiveros ang Bureau of Immigration (BI) para bigyang linaw at makakuha ng konkretong impormasyon tungkol sa pagtakas sa bansa nina Alice Guo o Guo Hua Ping at ng mga kapatid nito noong nakaraang taon.

Sa ginanap na pagdinig sa Senado, binigyan ni Hontiveros ng 15 araw ang BI na sagutin ang mga naiwang katanungan tungkol sa paano tumakas, saang border lumabas ng bansa at sinong taga-gobyerno ang tumulong sa Guo siblings na makaalis ng Pilipinas.

Kasama rin sa pinalilinaw ng senadora ang tungkol sa deportation sa tatlong POGO bosses na sina Lyu Xun, Kong Xiangrui at Wang Shangle na nakaalis ng bansa pero hindi bumalik ng China at sa halip ay nakatakas na sa layover na naglahong parang bula.

Babala ni Hontiveros, kung walang satisfactory na tugon ang BI sa loob ng palugit na ibinigay ay irerekomenda ng mambabatas sa committee report ang revamp o balasahan ng ahensya.

Pagbabanta pa ni Hontiveros, ang revamp ay sisimulan mismo kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Facebook Comments