3 Probinsya sa Cagayan Valley, Naapektuhan na ng Pamemeste ng Rice Black Bug

Cauayan City, Isabela-Umabot na sa tatlong lalawigan sa Cagayan Valley ang apektado ngayon ng pamemeste ng Rice Black Bug sa mga pananim na palay.

Ayon kay Mindaflor Aquino, Senior Science Research Specialist at Manager ng DA Regional Crop Protection Center, ang mga apektadong lugar ay kinabibilangan ng bayan ng Burgos, San Guillermo, San Mateo, Cabanatuan, Roxas, Alicia, Aurora, San Manuel, Mallig, San Agustin at Cauayan City sa Isabela.

Habang sa Quirino Province naman ay naapektuhan na ang bayan ng Cabarroguis at Diffun at bayan naman ng Solano, Nueva Vizcaya.


Patuloy aniya ang pagsasagawa ng malawakang technical briefing hindi lang sa mga bayang apektado kundi ang mga kalapit na lugar upang maiwasan ang pagdami ng RBB.

Samantala, ayon naman kay Regional Technical Director for Research and Regulatory Rose Mary G. Aquino, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DA region 2 sa mga lokal na pamahalaan, national government agencies, state colleges and universities, pribadong sektor at mga grupo ng magsasaka para magkaroon ng isang regional action plan laban sa RBB o itim na atangya.

Aniya, sa tulong ng ahensya ay bumuo na ang provincial government ng Isabela ng Inter-agency Task Force upang pangunahan ang pagpaplano ng mga hakbang na gagawin laban sa nasabing peste.

Dagdag pa niya, handang magdeklara ng state of calamity ang mga apektadong bayan upang magamit ang pondo sa pagpigil ng dumaraming kaso ng RBB.

Ang RBB ay kilalang peste na umaatake sa palay sa lalo na sa tillering at ripening stages. Kung hindi ito maagapan ay malaki ang epekto nito sa ani ng mga magsasaka.

Facebook Comments