3 pulis sa Las Piñas, naabutang natutulog habang naka-duty; 1, akmang bubunot pa ng baril

PHOTO: NCRPO PIO

Tatlong pulis sa Las Piñas City ang nahuling natutulog sa trabaho sa isinagawang surprise inspection ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar sa Southern Police District (SPD) Lunes ng madaling araw.

Nasermunan ni Eleazar sina Cpl. Eugine Ybasco, Cpl. Jayson Monsales, parehong nakatalaga sa Las Piñas City Police Community Precinct 3 (PCP-3), at SSgt. Danny Cerbito ng PCP-2.

Naabutang natutulog si Ybasco sa tricycle at ang kapwa patrol officer na si Monsales sa patrol vehicle na nakaparada sa Pamplona Dos, Alabang-Zapote Road.


Sa PCP-2 naman, ginising ang nakatokang desk officer na si Cerbito, na sa gulat ay napahawak pa sa kanyang baril na agad namang kinumpiska.

Kinuha rin ang armas ng dalawa pang pulis.

Ipinag-utos na rin umano ni Eleazar ang pagpapalipat ng tatlo sa Regional Headquarters Support Unit (RHSU).

Facebook Comments