
Patay ang tatlong miyembro ng rebeldeng grupo habang isa namang sundalo ang nasawi sa naganap na engkwentro sa Brgy. Datu Ito Andong, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Lt. Col. Christopherson Capuyan, Commander ng 37th Infantry Battalion, nagsasagawa ng military operation ang kanilang tropa nang makasagupa ang armadong grupo sa pamumuno ni Eusivio Cranzo alyas Agaw/Brix.
Tumagal ng mahigit isang oras ang palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong rebelde na may mga kaso ng pagpatay.
Narekober sa pinangyarihan ang tatlong M16 rifle, mga magasin, bala, at iba pang kagamitan.
Kasunod nito, nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines sa pamilya ng nasawing sundalo at kinilala ang kanyang kabayanihan sa pagtatanggol ng kapayapaan at seguridad ng komunidad.